Bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pag-ibayuhin ang pagkontrol sa baha at paghahanda sa sakuna sa pamamagitan ng programang “Build Better More,” ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region V ay nagpapatupad ng mas pinaigting na operasyon ng dredging sa iba’t ibang bahagi ng Bicol Region.
Ang hakbang na ito ay naglalayong palakasin ang kakayahan ng rehiyon na harapin ang mga hamon ng pagbaha at iba pang kalamidad.
Bumili rin ang DPWH Region V ng mga karagdagang Multipurpose Amphibious Dredge.
Ang bagong kagamitang ito ay inaasahang magpapalakas sa kasalukuyang fleet ng ahensya, na binubuo ng walong Amphibious Excavators at tatlong (3) MPADs.
Ayon sa DPWH Bicol, ang mga makabagong kagamitang ito ay magsisilbing pangunahing instrumento sa paglilinis at pagpapanatili ng mga ilog, lawa, at iba pang daluyan ng tubig sa rehiyon.
Sa pamamagitan ng regular na dredging, layunin ng ahensya na maprotektahan ang mga komunidad laban sa mga epekto ng pagbaha, na isa sa mga pangunahing problema sa Bicol.
Simula noong 2022 hanggang sa kasalukuyan, ang DPWH Region V ay nakapagtapos na ng 26 na proyekto ng dredging sa buong rehiyon.
Kasama sa mga proyektong ito ang 11 operasyon na isinagawa sa mga ilog at tributaries sa paligid ng Bicol River at Bulkang Mayon.











