-- Advertisements --

Mariing pinasinungalinangan ng pamahalaang lokal ng Taguig ang isyu ng land-grabbing batay sa paratang na ibinabato ng Makati.

Binigyang-diin ng Taguig na ang tinatawag na “Makati Park and Green” ay para sa mga residente ng EMBO kaya nararapat lamang na ipagamit ito sa kanila at hindi dapat gawing tambakan lamang.

Ayon sa Taguig imbes na ipagpatuloy ni Mayor Abby Binay ang pananabotahe sa development efforts ng Taguig mas makabubuti na simulan na lamang ang proseso ng pagtanggap at paghariin ang interes ng publiko.

Kung maalala sinabi ni Binayna pinigilan ng Makati Security forces ang pagpasok ng mga tauhan ng Taguig LGU sa parke dahil ito ay kaso ng land-grabbing.

Magugunitang tinuldukan na ng Korte Suprema ang usapin at walang karapatan ang Makati na akusahan ang Taguig ng pangangamkam ng lupa dahil mismo ang Supreme Court ang nagsabi na ilegal na kinamkam ng Makati at inukupahan ito ng mahigit tatlong dekada ang 10 EMBO barangays.

Wala din kredibilidad ang Makati na magkunwaring ninanakawan sila ng lupa at pasilidad gayong sila ang nahusgahang nangamkam ng teritoryo ng Taguig.

Ipinagmamalaki ng Makati na ang mga naturang pasilidad ay ipinundar ng Makati, pero hindi binabanggit ng Makati na mahigit tatlong dekada silang ilegal na kumulekta ng mga buwis sa lupain at negosyo sa EMBO, mga pondo na dapat ay sa Taguig napunta.

Kaya papaanong masasabi ng Makati na sila ang nagpundar ng mga pampublikong pasilidad sa EMBO? Hindi kailanman nagiging may-ari ang magnanakaw ng bagay na kanyang ninakaw.

Panawagan ng Taguig kay Mayor Abby Binay na bigyan ng daan ang matiwasay na pamamahala kaysa patuloy na bitbitin sa puso ang galit dulot sa pagkatalo sa kaso laban sa Taguig at sa pagkawala ng 10 EMBO barangay na resulta din naman ng mga hakbang na siya din ang may gawa.

Sa kabila ng walang tigil na sabotahe, ipinababatid sa lahat na agad nakapagtayo ang Taguig ng health center sa Southside, botika sa East Rembo at West Rembo, at assistance center sa Pembo. May telemedicine at shuttle service pa para dalhin ang mga pasyente sa mga PhilHealth-accredited health centers ng Taguig.

Bukas din para sa residente ng EMBO ang lahat ng pangkalusugang pasilidad ng Taguig gaya ng Taguig Pateros District Hospital (TPDH), 31 health centers, 3 super health centers, 7 primary care facilities, Dialysis Center, 5 Animal Bite Treatment Center, 3 main laboratories, 29 community-based laboratories, at partnership with Medical Center Taguig at St. Luke’s BGC.

Hangad ng Taguig na makipag tulungan na lamang si Mayor Binay ng sa gayon hindi maharang ang mga serbisyong ibinibigay ng gobyerno para sa mga kababayan natin.

Samantala, pansamantalang isinara muna ng pamahalaang lokal ang parke dahil sa walang kaukulang permits mula sa pamahalaang lokal ng Taguig.