Ang matagal na hidwaan at away sa lupa ang nakikitang motibo ng militar sa pananambang sa convoy ng isang municipal councilor kaninang alas-7:30 ng umaga sa South Upi, Maguindanao.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay 6th Infantry Division at Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Juvymax Uy, kaniyang sinabi na makikipag ugnayan sila sa Provincial Local Government ng Maguindanao at South Upi para matukoy ang pinag-ugatan ng away ng dalawang kampo.
Sinabi ni Uy, gagawa sila ng hakbang para maayos ng dalawa ang kanilang hidwaan.
Nakatakda namang pupulungin ng BARMM government ang Ministry of Indigenous Peoples Affairs at ang mga concerned individuals sa South Upi sa darating na January 14,2021.
Upang matiyak ang seguridad ng lahat ng mga tao at ng komunidad pangungunahan ni Mayor Reynalbert Insular ang Municipal Peace and Order Council Meeting sa January 14 din.
Kaninang umaga kasi, tinambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ni Municipal Councilor Basit Kamid sa may Barangay Lamud.
Sa report ni 57th IB Commanding Officer, Lt. Col. Jonathan Pondanera kay Maj. Gen. Uy, hindi nasaktan ang nasabing SB member.
Nagkasagupaan kasi ang mga suspek at ang mga security escort ng konsehal.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga tropa ng 57th IB kasama ang mga police personnel para bigyang seguridad ang mga sibilyan at naglunsad ng pursuit operations laban sa mga armadong indibidwal.
Hindi naman tinukoy ng militar kung kaninong grupo ang nagpa-ulan ng bala sa convoy ng opisyal.











