-- Advertisements --

Patok na solusyon ngayon para sa mataas na presyo ng gasolina at maikling oras sa pangingisda ang ‘lambaklad’, isang tradisyonal na paraan ng pangingisda na ipinakilala sa Zambales dalawang taon na ang nakalilipas bilang alternatibong kabuhayan para sa mga mangingisda.

Ayon sa mga lokal na mangingisda sa lugar, nakakapag-huli sila ng mas maraming isda sa loob lamang ng 500 metro mula sa baybayin, kaya malaki ang natitipid sa gasolina.

Sa isang panayam sinabi ni Simplicio Orendain, opisyal ng Deep Sea Fishing Association of La Paz. na kung dati raw ay umaabot pa sa P1,500 ang kanilang ginagastos sa gasolina kada biyahe para sa deep-sea fishing bago ipatupad ang lambaklad noong 2024.

Sinabi naman ni Reny Correa, presidente ng Alimbuhabu Fishing Association sa Botolan, na pinaikli ng ‘lambaklad’ ang oras nila sa dagat at nabawasan ang panganib para sa malalayong biyahe.

Ang lambaklad, na ipinakilala ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (DA-BFAR), ay isang sustainable at environment-friendly na pamamaraan na hango sa Japanese Otoshi-ami technology.

Gumagamit ito ng underwater net system na gumagabay sa mga pelagic fish papunta sa holding bag o “cod-end” kung saan sila natatrap nang buhay.

Ang mga lambaklad nets ay inilalagay sa tubig ng 20 hanggang 45 metro ang lalim at masusing sinusuri ng mga mangingisda nang dalawang beses sa isang araw.

Ayon sa BFAR, sa loob ng dalawang taon ng paggamit ng lambaklad, nakakahuli ang mga mangingisda sa Zambales ng average na 12,000 tonelada ng migratory fish bawat taon sa dalawang biyahe lamang na umaabot ng isa hanggang dalawang oras bawat isa.

Karamihan sa kanilang nahuhuli ay tuna, mackerel, skipjack, squid, sapsap, anchovies, at galunggong, habang sa San Felipe iniulat na may na huling blue marlin at iba pang pelagic species.

Noong Pebrero 23, nakapag-huli ng 2.5 tonelada ng isda sa isang lambaklad haul ang San Felipe Fishlanding Fisherfolks Lambaklad Association (SFFLA), na nagsimulang gumamit ng teknolohiya noong Nobyembre 2025 sa ilalim ng proyekto ng BFAR at lokal na pamahalaan.

Habang noong Marso 26, nakiisa si Senator Risa Hontiveros sa isang lambaklad harvest sa San Felipe kasama si BFAR Region 3 Director Willy Cruz at San Narciso Mayor La Rainne Abad-Sarmiento.

Nakita niya mismo ang tagumpay ng proyekto at nakipagpulong din sa mga lambaklad fisherfolk mula San Narciso, San Felipe, Botolan, Iba, at Candelaria.

Ibinahagi rin ng senadora na bahagi ng inilaang P2.8 billion mula sa proposed P52-billion supplemental budget ay para sa mga magsasaka at mangingisda upang mapanatili ang produksyon at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.