-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Inamin ng suspek sa pananaksak at pagpatay sa isang lolo sa District 1, Cauayan City na nagawa nito ang karumal-dumal na pagpatay dahil sa kalasingan.

Ang biktima ay si Magellan Durao, residente ng District 1, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan Kay Frederick Paccarangan alyas Pendong, sinabi niya na blangko siya noong oras na nagawa niya ang pananaksak.

Lagi umano niyang nakakasama ang biktima sa inuman at dati rin nitong katrabaho sa pagkakargador.

Nakasama rin nito ang biktima sa inuman bandang hapon bago ang gabi kung kailan naganap ang krimen.

Aniya nakahiga na siya sa kanyang kama sa kanilang bahay at matutulog na sana ngunit binabagabag siya ng nakaraang pinagbantaan siyang papatayin ng biktima.

Dalawang buwan na aniya ang nakalipas mula ng magkaroon din sila ng inuman na iniuwi umano ng biktima ang alak at pulutan na hindi nila alam.

Sinabi ng isa nilang kasamahan na ang biktima ang nag-uwi nito at siya ang hinihinala ng biktima na nagsabi sa kanilang kasamahan.

Dahil dito ay kinumpronta siya ng biktima at pinagbantaan na papatayin gamit ang samurai.

Tumatak ito sa kanyang isipan kaya kahit matagal na ay hindi nito makalimutan at ito ang isa sa dahilan o motibo ng suspek kung bakit niya pinagsasaksak at napatay ang biktima.

Nagtungo siya sa bahay ng biktima dala ang kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima saka umuwi.

Mariin namang itinanggi ng suspek na pangungutang ang dahilan ng kanyang pagpatay at iginiit din niya na wala siyang kinalaman sa pagsunog sa kwarto ng biktima.

Aniya isa lamang ang kutsilyong ginamit niya sa pagpatay at hindi niya alam kung saan galing ang sinasabing isa pang kutsilyo na nakita sa kanyang bahay at bag na may lamang pera.

Maging ang cellphone ng biktima na sinasabing nawawala ay wala rin umano itong alam dahil pananaksak lamang ang kanyang ginawa.

Ginagamit lamang umano niya sa pagluluto ang nakita ang Gasolinang nakita sa kanyang bahay.

Pagpapahayag pa ng suspek na totoong nagmala-aktor siya ng marinig na nalaman na ng mga tao na patay na ang biktima dahil isa siya sa mga umiyak, sumaklolo at kunwaring nagtanong kung sino ang may gawa sa krimen.

Aniya sa mga oras na ito ay nagsisisi na siya sa nagawang pagpatay at natatakot ding umamin na siya ang may gawa sa krimen.

Nagsisisi man ngayon ay huli na at paghingi na lamang ng tawad sa pamilya ng biktima ang tanging hiling nito at haharapin ang kasong murder laban sa kanya.