Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide and damage to properties ang isang drayber ng dumptruck matapos ang nangyaring banggaan na kinasasangkutan ng tatlong behikulo at kumitil sa buhay ng isang drayber ng motorsiklo kagabi sa Sitio Bacayan nitong lungsod ng Cebu.
Bibili lang sana ng gamot ang biktima na si Mario Genobia, 53 anyos nang mabangga ng dumptruck na minamaneho ni Manuel Labuna, 39 anyos.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Corporal Glinogo ng Talamban police station, sinabi nito na nawalan umano ng brake ang driver ng dumptruck kaya nabangga ang drayber ng motorsiklo at nakaladkad ng 100 metro bago nagulungan sa ulo.
Matapos pa nito, nabangga naman ng trak ang isang Nissan Urvan van na minamaneho ni Jofel Cabreros,39 anyos.
Maliban kay Genobia, wala namang iba pang nasugatan sa pangyayari.
Nakadetain na ngayon si Labuna sa Talamban police station at nakatakdang sampahan ng kaso.