-- Advertisements --

Isang Nepali mountain guide ang nakaligtas matapos siyang ma-stranded sa Mount Everest nang halos anim na araw na walang sapat na oxygen, pagkain, at maayos na tuluyan.

Kinilala ang lalaki na si Dawa Sherpa na inakalang namatay na habang pababa mula sa tuktok ng Everest matapos siyang hindi na ma-contact.

Ngunit makalipas ang anim na araw, natagpuan siyang buhay ng isang cleanup team habang dahan-dahan siyang bumababa patungo sa Everest Base Camp.

Agad siyang isinakay sa helicopter at dinala sa ospital sa Kathmandu, kung saan ginagamot siya dahil sa dehydration, frostbite, at bali sa buto.

Ayon sa lalaki nawalan siya ng oxygen habang nasa mataas na bahagi ng bundok kaya hindi na siya makagalaw nang maayos.

binahagi rin niya na wala siyang makain sa unang dalawang araw at ang tanging paraan para mabuhay siya ay ang pagnguya ng yelo para makainom ng tubig.

Nakakita rin siya ng ilang tsokolate sa kanyang bulsa na nakatulong para tumagal siya ng ilang araw sa bundok.

Kwento pa niya kaya siya na trap ay dahil nahulog siya sa isang siwang ng yelo (crevasse), nang humigit-kumulang dalawa at kalahating araw.

Pasalamat niya nang mayroon daw na avalanche na nangyari dahilan para mawala ang siwang at mapunan ng yelo, na nagbigay sa kanya ng pagkakataong makalabas.

Matapos makalabas, gumamit siya ng mga lubid sa bundok para makababa kahit may panganib pa rin ng avalanche.

Batay sa ulat limang katao na ang nasawi sa kasalukuyang climbing season sa Everest. Sa kabuuan, mahigit 300 katao na ang nasawi mula pa noong 1920s, na nagpapakita ng patuloy na panganib sa pag-akyat sa pinakamataas na bundok sa mundo.