TACLOBAN CITY – Nagtangkang magpakamatay ang isang lalaki matapos na patayin nito ang sariling tiyuhin at pagsasaksakin din ang lolo sa Purok III, Brgy. Esperanza, Inopacan, Leyte.

Kinilala ang suspek na si Joemar Projo, 32, samantala ang mga biktima ay uncle nito na si Adonis Projo at lolo nito na si Alejandro Projo.

Ayon kay SPO4 Edwin Villarino, napag-alaman nilang mayroong mental depression ang naturang suspek na isa sa mga pinaniniwalaang dahilan nang bigla na lang nitong pagsasaksakin ang mga biktima.

Matapos gawin ang naturang krimen ay nagtangka itong magpakamatay sa pamamagitan ng paggilit sa kanyang leeg.

Isinugod pa sa ospital ang isa sa mga biktima pero idineklara itong dead on arrival.

Sa ngayon ay patuloy na nagpapagaling sa ospital ang suspek at ang kanyang lolo.