NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos tagain ng isa ring lalaki sa Burdeos, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Elmer Buefano Delos Santos, 29-anyos, residente ng Brgy. Caralagan sa naturang bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang suspek na kinilalang si Eduardo Foliente Bantucan, 51-anyos, residente ng nasabing lugar nang pumunta ito sa bahay ng kapatid ng biktima at bigla na lamang nitong tinaga si Delos Santos na nasa harap lamang ng nasabing bahay.
Sinubukan pang tumakas ng biktima ngunit hinabol pa rin ito ng suspek.
Natigil lamang ang muling pagtaga ni Bantucan sa biktima ng makialam na ang ibang mga residente sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nabatid na dahil sa insidente nagtamo ng sugat sa kaniyang kanang braso ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensiya medikal.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon.