VIGAN CITY – Malalimang imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa isang lalaki habang natutulog ito sa duyan sa Barangay Callitong, Burgos, Ilocos Sur.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula sa Burgos municipal police station, nakilala ang biktima na si Ric Abalos, 42-anyos, may-asawa, magsasaka at residente ng nasabing lugar.

Base sa testimonya ng asawa ng biktima, huling nakitang buhay ang biktima, alas-9 ng gabi.

Nitong Huwebes ng umaga na lamang nakita ang duguang bangkay ng biktima na nakaduyan sa harap ng sari-sari store na pagmamay-ari ng pamilya nito na mayroong tama ng baril sa taas ng kanang tainga.

Nakita rin malapit sa bangkay nito ang dalawang basyo ng caliber 45 at isang metal slug ng nasabing baril.

Sa ngayon, blangko pa ang mga otoridad sa posibleng anggulo ng pamamaslang dahil ayon sa pamilya ng biktima, wala naman umano itong kaaway nitong nakaraan na maaari sanang maituring na person of interest sa pangyayari.