VIGAN CITY – Nasa maayos nang kalagayan ang isang 34-anyos na lalaki sa Brgy. Paratong, Sinait, Ilocos Sur na sinaksak ng isang beses ang sarili dahil sa selos.

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay P/Lt. Irwin Ancheta, hepe ng Sinait municipal police station, nasa loob umano ng kanilang bahay ang biktima na hindi na pinangalanan nang bigla na lamang itong lumabas at nagpasaklolo sa kaniyang mga kapitbahay pagkatapos nitong saksakin ang sarili ng isang beses.

Naitakbo sa Corpuz Clinic and Hospital, Sinait, Ilocos Sur ang biktima ngunit inilipat sa Mariano Marcos Memorial Hospital, Batac City, Ilocos Norte.

Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagselos umano ang biktima dahil sa post sa internet ng kaniyang asawa na nasa Singapore.

Ngunit, bago umano ito, mayroon nang hindi pagkakaintindihan ang biktima at ang kaniyang asawa.