NAGA CITY- Patay ang isang lalaki matapos makuryente sa Barangay I, Daet, Camarines Norte.
Ito ay nangyari bago ang pananalasa ng bagyong Quinta sa Bicol Region.
Kinilala ang biktima na si “Rollyvic”, 33-anyos, may asawa at isang construction worker.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO), napag-alaman na habang inaalis umano ng biktima ang isang tarpaulin na nakasabit sa gitna ng kalsada ng bigla itong makuryente.
Base sa imbestigasyon, nabatid na aksidente umanong nahawakan nito ang isang live wire ng Camarines Norte Electric Cooperative (CANORECO).
Kung saan agad itong nakuryente at nahulog pa mula sa 2nd floor ng isang pribadong opisina.
Kaugnay nito, agad namang dinala sa ospital ang biktima ngunit idineklara na itong Dead on Arrival ng mga doctor.
Sa ngayon hinihintay na lamang umano ng mga otoridad ang resulta ng isinagawang Post Mortem Examination/Autopsy sa nasabing biktima para sa mas malinaw na resulta.