-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Patay na ng makarating sa Malay District Hospital ang isang lalaki matapos umano itong malunod sa dagat na sakop ng Brgy. Caticlan, Malay.

Kinilala ang biktimang si Louie Tubi, nasa hustong gulang, tubong Brgy. Hinag-uman, Ferrol, Romblon at stay-in worker sa isang machine shop sa nasabing lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Malay Police Station, lasing ang biktima ng ito ay maligo sa dagat.

Matapos umano ang ilang sandali ay bigla na lamang itong nawala dahilan upang hanapin na siya ng kaniyang mga kasamahan hanggang sa makita na lamang nila ito sa tubig na higit 30 metro ang layo mula sa dalampasigan.

Agad namang rumesponde ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)-Malay sa lugar at minabuting dalhin sa nasabing pagamutan ang biktima ngunit ideneklara na itong Dead on Arrival.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.