ILOILO CITY – Halos mabasag ang bungo at nakalabas na ang bituka ng isang lalaki matapos na pagtatagain at pagsasaksakin sa Barangay Bulak Sur, Batad, Iloilo.
Ang biktima ay kinilalang si Dione Dellomes, 23-anyos na residente ng Canas, San Dionisio, Iloilo.
Ang suspek naman ay si Recanor Valdevieno, 62-anyos na residente ng Barangay Bulak Sur, Batad, Iloilo.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/SSG Francis John Aricaya, imbestigador ng Batad Municipal Police Station, sinabi nito nagising nalang si Dellomes na pinagtataga at pinagsasaksak na siya ni Valdevieno.
Ayon kay Aricaya, nakatakbo pa sa taniman si Dellomes subalit dahil sa malalang tama niya sa paa ay nahirapan na itong makalayo hanggang sa natumba at dito na siya pinagtataga hanggang sa bawian ng buhay.
Base naman sa pahayag ng suspek, pinaghinalaan niyang si Dellomes ang nagnakaw ng kanyang mga gulay sa taniman dahilan kung bakit niya ito pinatay.