CEBU CITY – Isasailalim sa autopsy ang labi ng isang 19-anyos na lalaki sa Sitio Nasipit, Brgy. Talamban, sa lungsod ng Cebu matapos umanong binangungot sa sobrang kapaguran.

Natagpuang patay ang biktimang si Roldan Gonzaga sa loob ng kanyang kuwarto sa nasabing lugar matapos itong nawalan ng malay.

Ayon kay Police Staff Sergeant Ringgo Muldez ng Talamban Police Station, palagi umanong nagpupuyat si Gonzaga sa pagsapit ng gabi at maaga itong gigising upang mamalengke.

Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya mula sa kaibigan ng biktima, palagi umano itong naglalaro ng computer bago pa matulog.

Nakikipag-ugnayan ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team sa pamilya ni Gonzaga upang isailalim ang labi ng biktima sa autopsy at inaalam pa ng mga ito kung may foul play ba ang pagkamatay nito o wala.

-- Advertisement --