NAGA CITY – Arestado ang isang lalaki matapos na sampahan ng kaso dahil sa umano’y panggagahasa nito sa isang menor de edad sa Iriga City.
Kinilala ang suspek sa pangalang Jun, 24-anyos, residente ng Barangay San Miguel sa nasabing lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PLt. Bella Vergara Cereno, tagapagsalita ng Iriga City Police Station, nabatid na nagkakilanlan at naging magkaibigan ang biktima at ang suspek sa social media.
Ayon pa dito, inimbitahan pa aniya ng suspek ang biktima na makipagkita sa kanya sa nasabing lugar.
Tinuruan din umano ng suspek na magsinungaling ang biktima sa kanyang mga magulang kung saan ang paalam nito ay magswi-swimming lamang kasama ang mga kaibigan.
Ngunit sa araw ding iyon, nag-inuman ang dalawa sa isang tindahan malapit sa residensiya ng suspek.
Nang malasing na ang biktima, ay dito na umano ginahasa ng suspek ang dalagita.
Agad naman na naireport ng biktima ang insidente sa Iriga City Police Station na naging dahilan naman ng agarang pagkakadakip sa suspek.
Sa ngayon, nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o ang Anti Child Abuse Law.