-- Advertisements --
kobe bryant lakers

Maaasahan umano ng naulilang pamilya ni Kobe Bryant ang patuloy na suporta ng Los Angeles Lakers kasunod ng pagpanaw ng kanilang dating teammate.

Unang pahayag ito ng nasabing basketball team ni Bryant, isang araw matapos ang trahedya kung saan bumagsak ang sinasakyang helicopter ng 41-year-old retired LA Lakers star sa mahamog na bahagi ng burol sa Southern California.

Ayon sa Lakers, mahirap ang kanilang pinagdaraanan sa ngayon pero ibabahagi pa rin sa publiko ang mga impormasyon na kanila pang makakalap.

“The Los Angeles Lakers would like to thank all of you for the tremendous outpouring of support and condolences. This is a very difficult time for all of us. We continue to support the Bryant family and will share more information as it is available.”

Kaugnay nito, hindi muna isasagawa ang nakatakda sanang laban nila kontra Los Angeles Clippers ngayong January 28.

Sinasabing ang Lakers mismo ang humiling sa game postponement na inaasahang hanggang sa Biyernes at hindi naman kumontra ang Clippers.

Kabilang sa walo pang namatay ang 13-year-old daughter ni Bryant na si Gianna, teammate ng anak sa basketball team, magulang ng naturang teammate, baseball coach at mag-ina nito, at ang piloto.