Simula Oktobre 31, bubuksan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Lakbay Alalay assistance program nito.
Ito ay bilang tulong sa mga motorista na bibiyahe sa kani-kanilang mga lugar kasabay ng Araw ng mga Kaluluwa at Araw ng mga Santo.
Batay sa inilabas na abiso ng DPWH, ang kanilang Lakbay Alalay roadside assistance ay bubuksan simula 8AM at magtatagal hanggang 5PM ng Nobiembre-2.
Ang mga assistance center na ito ay tutulong sa pagpapanatili ng maayos na trapiko at tutulong sa mga motorista at biyahero na maaaring masiraan sa mga daanan.
Ang mga itatatag na center ay bubuuin ng mga empleyado mula sa regional at engineering office ng DPWH, at mga maintenance personnel.
Bawat center ay mayroon ding sapat na tools at iba pang kagamitan para matulungan ang mga motorista at mga tsuper na maaaring magka-aberya sa mga kalsada.
Tiniyak naman ni DPWH Secretary Manuel M. Bonoan na nakahandang tumulong ang lahat ng mga assistance center sa sinumang mangangailangan ng kanilang tulong.