Inirekomenda ni Sen. Bong Go ang pagsibak sa lahat ng Bureau of Corrections (BuCor) officials na sangkot sa pagproseso ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ginawa ni Sen. Go ang rekomendasyon sa isinagawang pagdinig ng Senado ngayong araw sa kontrobersyal na GCTA at kasunod ng ginawang inspeksyon nito sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City kaninang umaga.
“Mr. Chair, sa dami ng dinaanan ng proseso ng GCTA, I believe na marami ang sumakay at ginamit ito para sa corruption. Because of this, I am recommending to Secretary Guevarra, at nabanggit na rin ito ni Pangulong Duterte to relieve all BuCor officials who are handling the process of GCTA. Those who are next in rank will assume their duties,” ani Sen. Go.
Sinabi ni Sen. Go, ayaw nitong magbintang ng walang ebidensya at nais niyang magkaroon ng malalimang imbestigasyon sa kontrobersya pero batay sa kanyang mga nalaman, maraming opisyal sa baba ng BuCor ang sumabay at nakinabang sa korupsyon sa GCTA.
Ayon kay Sen. Go, marami rin siyang narinig na ibang kalokohan sa NBP gaya ng anomalya sa ospital sa loob ng national penitentiary.
Kabilang daw dito ang “hospital referral pass” na binibili ng mga inmates sa mga BuCor employees para mailipat sa NBP Hospital kahit wala namang sakit.
“Nagpapanggap na may sakit para ma-admit sa ospital, pagkatapos doon na nagaganap ang illegal drug trading. Hindi lang pala ang GCTA ang for sale. Pati na rin ang hospital pass, for sale rin pala sa Bilibid. Sa NBI po, and Secretary Guevarra, baka pwede ninyo pong paimbestigahan ito,” dagdag ni Sen. Go.
“Naglagay tayo ng maayos na ospital sa loob ng kulungan for humanitarian reasons. Ngunit ito rin pala ay inaabuso at binababoy ng mga empleyadong mukhang pera.”