Inaprubahan na ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) Governing Council ang clinical trials ng medicinal plant na lagundi sa mga pasyente ng COVID-19.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato dela Pena, nakatanggap na rin ng basbas mula sa research ethics board ng University of the Philippines – Manila ang hakbang para maipatupad sa COVID-19 cases ng Philippine General Hospital.
“Alam naman natin na yung lagundi ay tanggap na bilang gamot sa ubo, sa mga respiratory ailments. ‘Yan ang kauna-unahang halamang gamot na-commercialize through DOST research as early as the late 80s.”
“‘Yan ay may approval ng FDA (Food and Drug Administration) kaya alam natin na mayroon siyang anti-viral properties kaya susubukan ‘yan ngayon sa COVID-19.”
Sa ngayon ang hinihintay na lang daw ng DOST ay ang clearance ng FDA para sa clinical trial.
Bukod sa lagundi, inaprubahan na rin daw ng PCHRD ang hiwalay na proyektong trial sa halamang gamot na tawa-tawa.
Ayon kay Dela Pena, kailangan pang makakuha ng approval mula sa UP-Manila research ethics board ang hiwalay na trial bago rin isalang sa clearance application sa FDA.