BACOLOD CITY – Ipinapaubaya na lamang ni Police Lt. Gen. Camilo Cascolan, Deputy Chief for Administration ng Philippine National Police (PNP), sa Special Investigation Task Group (SITG) ang pagsasagawa ng imbestigasyon at pagbibigay ng pahayag kaugnay sa helicopter crash sa San Pedro, Laguna.
Nabatid na sakay ng Bell 429 twin-engine rotary wing aircraft sina PNP Chief Police Gen. Archie Gamboa at iba pang top officials nang mangyari ang aksidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Cascolan, inihayag nitong pupunta ngayong araw sa landing site ang SITG na pinangungunahan ni Police Major Gen. Guillermo Eleazar na Deputy Chief for Operations ng PNP.
Ayon kay Cascolan, bago sila magpalabas ng rekomendasyon at analysis, mayroon munang gagawing ocular inspection sa lugar na pinangyarihan ng aksidente.
Umaasa rin ito na maging stable na ang lagay nina Director for Intelligence Police Major Gen. Mariel Magaway at Directorate for Comptrollership Police Major Gen. Jovic Ramos na parehong nasa kritikal na kondisyon.
Kinumpirma naman nito na maganda na ang kalagayan ni Gamboa habang under observation pa ang dalawang pilot.
Si Cascolan ang kasalaukuyang nakaupo bilang officer-in-charge ng PNP habang hindi pa naka-full duty status si Gamboa.