Pinaburan ni Independent Minority at Albay Rep. Edcel Lagman ang naging pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., na hindi ito pakikialaman ang korte kaugnay sa pagdinig sa kaso ni dating Senador Leila de Lima na kasalukuyang nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ang pahayag ni Lagman ay bunsod sa mga panawagan na palayain na ang dating senadora, matapos ito ma-hostage nuong Linggo.
Subalit pina-alalahanan ni Lagman ang Pangulong Marcos Jr na habang ang paghatol ng mga kasong kriminal ay nasa jurisdiction ng hudikatura, subalit ang pag-uusig sa mga naturang kaso ay isang executive function na nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng Pangulo ng bansa alinsunod sa Konstitusyon.
Dagdag pa ni Lagman na hindi matatawag na pangingialam sa domain ng Korte kung utusan ng Pangulo ang mga prosecutor na ibasura ang mga kasong kriminal ng dating senadora lalo na at kulang ang inculpatory evidence tulad ng dalawang natitirang kaso ni De Lima kung saan ang mga major prosecution witnesses ay nag-recant o umatras.
Maari din atasan ng Pangulo ang mga prosecutor na pagbigyan ang petition for bail ni De Lima dahil hindi malakas ang ebidensiya laban sa dating senadora.
Bukod dito, hindi flight risk si De Lima tulad ni dating Senador Juan Ponce Enrile na pinagkalooban ng piyansa ng Korte Suprema habang nahaharap sa mga kasong plunder dahil sigurado ang kanyang pagharap sa mga paglilitis at hindi siya makakatakas sa hurisdiksyon ng korte dahil sa kanyang public record, edad, at kahinaan ng kalusugan.
Ang desisyon ng High Court IN Enrile ay hindi nakabatay sa dami ng ebidensya laban sa kanya o sa kabigatan ng parusa para sa kanyang kriminal na pagkakasala ngunit higit sa lahat hindi siya flight risk.
Si Enrile ay pinagkalooban ng piyansa habang nasa kustodiya sa ospital ng PNP General Hospital, habang si De Lima ay nakakulong sa ilalim ng solitary confinement ng mahigit limang taon sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga.