
Naging mas kritikal pa si Albay Rep. Edcel Lagman sa kanyang privilege speech sa Duterte administration kumpara sa naging counter-SONA naman ni House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. kagabi.
Sa kanyang talumpati sa plenaryo ng Kamara, halos sumang-ayon lamang si Abante sa mga nabanggit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa SONA nito partikular na sa posisyon laban sa korapsyon, pagwawakas ng red tape sa gobyerno, at wage increase ng mga guro at nurses.
Sinabi ni Abante na dapat maging “fearless” ang pamahalaan sa pagdepensa ng mga hakbang na layong wakasan ang korapsyon, iligal na droga, at kriminalidad sa bansa.
Subalit kailangan aniya maging pursigido rin sa paglaban naman sa mga hakbang na hindi tama, moral, at makakasama sa taumbayan.
Samantala, naging mas kritikal at komprehensibo naman si Lagman sa naging talumpati nito matapos talakayin ang iba’t ibang usapin na hindi nabanggit ni Duterte sa ika-apat na SONA.
Kabilang na ang usapin hinggil sa umano’y human rights violations sa ilalim ng madugong kampanya kontra iligal na droga at ang pagkakabangga ng Chinese vessel sa bangka naman ng mga mangingisdang Pilipino.
Pinuri naman ni Lagman si Duterte dahil sa pagsusulong nito ng mataas na pasahod para sa mga nurses at guro, pag-aksyon sa Philippine Health Insurance Corporation scam, pagpapanawagan sa pagkakapasa ng fire protection modernization program bill, pagbigay ng direktiba sa mga alkalde na gawing tatlong araw ang paglalabas ng clearances at permits, at pagpuna sa Landbank.

Tradisyon na tuwing pagkatapos ng SONA ng Pangulo ay magbibigay naman talumpati ang minority leader bilang reaksyon sa pahayag ng chief executive.
Kadalasang tumatayong opposition leader sa Kamara ang minority leader, subalit hindi ganito palagi ang sitwasyon.










