Kumbensido si Sen. Panfilo Lacson na ang executive committee ng PhilHealth ang siyang tinaguriang “mafia” sa ahensya.
Ginawa ni Lacson ang naturang pahayag sa isang panayam matapos na tapusin na ng Senado ang imbestigasyon nito noong nakaraang linggo sa mga sinasabing iregularidad sa PhilHealth.
Ayon kay Lacson, ang execomm sa central office ang siyang gumagawa ng masterlist ng healthcare institutions na unang makakatanggap ng pondo sa ilalim ng kontrobersyal na interim reimbursement mechanism (IRM) nito.
Tinukoy nito ang mga naging testimonya ng ilang regional vice presidents ng PhilHealth na nagsabing tatanggap na lamang sila ng listahan ng mga ospital na bibigyan ng pondo, at ang kanilang trabahon ay maghanda na lamang ng memorandum of understanding para sa mga ito.
Nauna nang sinabi ni resigned PhilHealth anti-fraud officer Thorsson Montes Keith na ang “mafia” sa PhilHealth, na binubuo ng executive committee, ay nakapagbulsa ng P15 billion sa pamamagitan ng mga fraudulent schemes, kabilang na ang sa IRM.
Pero mariing itinanggi ito ng PhilHealth sa kanilang mga inilabas na statements.