Pinuri ni Senate President Pro Tempore Panfilo ”Ping” Lacson si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa kanyang “quiet diplomacy” na nagtiyak ng ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga Philippine-flagged vessels, energy shipments, at mga Pilipinong marino sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Lacson, mahalaga ang kasunduang ito dahil dito dumadaan ang tinatayang 80% hanggang 100% ng inaangkat na langis ng Pilipinas. Sinabi niyang sa pamamagitan ng “quiet diplomacy,” nakipag-ugnayan ang DFA sa Iran upang payagan ang tuloy-tuloy at ligtas na pagbiyahe ng mga barko at oil shipments ng bansa.
“Our commendation and gratitude to DFA Secretary Maria Theresa Lazaro for quietly and efficiently negotiating with Iran to allow passage of vessels through the Strait of Hormuz that deliver 80% to 100% of the Philippines oil imports,” aniya sa isang post sa X (dating twitter).
Nauna nang inihayag ng DFA na nagkaroon ng “very productive” na pag-uusap si Lazaro at ni Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi, kung saan tiniyak ng Iran ang “safe, unhindered, and expeditious passage through the Strait of Hormuz” ng mga Philippine-flagged vessels, pati na rin ang kaligtasan ng mga Tripulanteng Pilipino.
Binigyang-diin pa ni Lazaro na mahalaga ito upang mapanatili ang energy security ng bansa at maprotektahan ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa karagatan. Hiniling din ng Pilipinas sa Iran na ituring itong “non-hostile country” upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon ng mga barko nito sa rehiyon.
Noong Miyerkules, hinimok ni Lacson ang mga Pilipino na ipagdasal na malagpasan ng bansa at ng mundo ang “Trump-26,” sa gitna ng mga hamong pang-ekonomiya — kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis —na aniya’y malaking dulot ng “whimsical arrogance” ni US President Donald Trump.














