Tiniyak ni Sen. Panfilo Lacson na may iba pang mga pasabog na aasahan sa mga darating na araw laban kay Health Sec. Francisco Duque III.

Sa pagsasalita ni Lacson sa Kapihan sa Senado, inamin nitong may mga kontrobersiya pa siyang natuklasan na mag-uugnay kay Duque, maliban sa umano’y conflict of interest nito dahil sa kompaniya ng kaniyang pamilya na may mga deal sa gobyerno.

Pa-amin ng senador, may mga sumbong at supporting documents pang ipinarating sa kaniyang tanggapan ang ilang impormante.

Pero ipauubaya na lang daw niya ang mga iyon sa Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.

Pinayuhan din ni Lacson si Duque na huwag nang mag-abalang magpaliwanag sa kaniya dahil mas mahalagang sa mag-iimbestigang komite na lang ito magbigay ng mga kinakailangang sagot.