-- Advertisements --

Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang aniya’y paulit-ulit na pagkakaospital ng ilang kilalang personalidad kapag nahaharap sa warrant of arrest o na-cite in contempt.

Inihayag ito ni Lacson nang tanungin hinggil sa pagkakaospital ni Senador Rodante Marcoleta, na nahaharap sa mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan.

Ayon kay Lacson, matagal na aniya niyang napapansin na kapag may inaaresto o kino-contempt, nauuwi ang mga ito sa ospital at tila lumalabas lamang ang kanilang mga karamdaman kapag nailabas na ang warrant.

Binanggit din ng senador ang kanyang naunang pahayag sa X na nagsasabing, “Bawal magkasakit. Mahal ang gamot. Bawal magka-warrant. Baka magkasakit.”

Aniya, ang obserbasyong ito ay batay rin sa mga tanong ng publiko kung bakit ang ilang personalidad na nahaharap sa kaso ay sa ospital dinadala sa halip na agad isailalim sa kustodiya.

Tinutukoy ni Lacson ang pagkakaospital nina dating Public Works Secretary Manuel Bonoan at Senador Rodante Marcoleta, na kapwa nahaharap sa mga kaso sa Sandiganbayan.