-- Advertisements --

Mariing iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na tanging ebidensya lamang ang magiging batayan ng kaniyang desisyon kung sakaling matuloy sa Senado ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. 

Ayon kay Lacson, susundin lamang umano niya ang nakapaloob sa rules of impeachment, ang mga lalabas na ebidensya at wala na aniya siyang titignan na iba pang dahilan na pagbabasihan ng kaniyang magigina boto. Aniya, magiging patas umano siya kung kaya’t patuloy aniya siyang nag-aaral ng mga proseso ng paglilitis sa korte. 

Kaugnay nito, pinaalalahan ni Lacson ang kanyang mga kapwa senador na pairalin ang tamang asal bilang mga posibleng Senator-Judges, sakaling umakyat sa mataas na kapulungan ang Articles of Impeachment laban sa bise Presidente. 

Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pananatili na walang kinikilingan ang ma senador at tiyaking sa kanilang mga kilos at pananalita ay hindi makikitaan na sila ay mayroon nang pinapanigan. Aniya, hindi magandang pangitain na mukha sila na parang miyembor ang prosecutor o defense panel. 

Habang nagpahayag din ang senador ng simpatiya kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, na inaasahang haharap bilang presiding officer sa posibleng impeachment trial. Mabigat aniya ang nakaatang sa balikat ni Sotto partikular na ang pangangasiwa sa mga posibleng argumento sa pagitan ng kampo prosekyusyun at depensa. 

Matatandaan na nauna na rito ay sinabi ni Sotto na naghahanda na rin umano siya sa mga posibleng mangyari kung kaya’t pinag-aaralan na niya ang impeachment rules, court rules at senate rules. 

Samantala, inaahasan namang tatalakayin na ng mga senador ang posibleng impeachment trial, kabilang ang iskedyul at ibang pang preparasyon upang maibalannse ang gawaing lehislatibo at ang posibleng paglilitis.