-- Advertisements --

Maaari pa rin naman daw maghain ng kaso ang Senado laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sinasabing sangkot sa umano’y katiwalian sa loob ng tanggapan.

Sa isang panayam sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na hindi naman mahaharang sakaling dumulog sila sa Office of the Ombudsman bilang hiwalay na sangay ng gobyerno.

Magugunitang inirekomenda ng Senate Committee of the Whole ang paghahain ng reklamo sa ilang PhilHealth officials. Pero ang inindorso ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang rekomendasyon ng binuong inter-agency task force.

Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) sina dating PhilHealth chief Ricardo Morales, executive vice president and chief operating officer Arnel De Jesus; at senior vice presidents Renato Limsiaco, Jr. at Israel Francis Pargas.

Ayon kay Lacson, hindi pa naman tapos ang imbestigasyon ng Department of Justice, na namumuno sa task force, kahit nagsampa na ito ng reklamo.

Sa ilalim ng Senate report, kasali sa nais pakasuhan ng mga mambabatas sila Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth senior vice president Rodolfo Del Rosario Jr.

Naniniwala raw ang ilang senador na may mga ebidensyang magpapatunay na sangkot si Duque at Del Rosario sa sinasabing korupsyon sa PhilHealth.

Una nang sinabi ng Department of Health na handa si Duque na makipagtulungan sa mga gagawin pang imbestigasyon.

Bukod sa Senado may lumakad din na pagdinig sa House of Representatives kaugnay ng kontrobersya.