-- Advertisements --

Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 44-anyos na Amerikanong wanted sa kasong kriminal sa Estados Unidos, sa isinagawang operasyon sa Danao City noong Abril 29.

Ayon sa BI Fugitive Search Unit (FSU), isinagawa ang pag-aresto sa pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ng United States at lokal na pulisya.

Ang dayuhan ay umano’y wanted sa Texas dahil sa kasong pagbabanta na ilalantad ang mga intimate na larawan at attempted aggravated assault gamit ang deadly weapon. May nauna rin siyang conviction para sa felony aggravated assault sa Arizona.

Batay sa rekord ng BI, pumasok ang Amerikano sa Pilipinas noong Marso 2025 bilang temporary visitor ngunit hindi na nag-extend ng kanyang pananatili lampas Hunyo 2025, dahilan upang ituring siyang overstaying alien at undesirable foreign national.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, mahalagang ipakita ng ahensya na hindi ligtas na kanlungan ang Pilipinas para sa mga puganteng may marahas na kasaysayan.

“This arrest highlights our firm stance: the Philippines is not a hiding place for fugitives with violent pasts,” ani Viado.

Dagdag pa niya, patuloy ang koordinasyon ng BI sa mga international counterpart upang matunton at maiproseso ang deportation ng mga pugante.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya sa Danao City ang dayuhan at ililipat sa BI Warden Facility sa Maynila para sa sampahan ng deportation charges.