-- Advertisements --

Agad binuweltahan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Manila Mayor Isko Moreno, makaraang sabihin nito na hindi matagpuan ang 24 na senador ng bansa, ngayong may malaking problema tayo dahil sa coronavirus disease (COVID-19).

Ayon kay Lacson, mali ang paratang ng alkalde na walang ginagawa ang mga miyembro ng Senado ukol sa kasalukuyang krisis.

Iginiit ng senador na trabaho nila ang paglikha ng batas na mapapakinabangan ng gobyerno at ng taongbayan.

Kasama na aniya sa bunga ng kanilang mga ginawa ang naipapamahaging tulong pinansyal, kung saan sakop ang lungsod ng Maynila.

Nagpuyat at nagpagod aniya ang mga senador para maipasa ang Bayanihan to Heal As One Act para magkaroon ng batayan ang pagtugon ng gobyerno sa problemang dulot ng COVID-19.

“Yorme, kaya po namamahagi ngayon ang gobyerno ng tulong pinansyal kasama na ang lungsod ng Maynila ay dahil nagpagod at nagpuyat ang mga senador kahit may banta ng COVID-19 para ipasa ang Bayanihan Act. Iyan kasi ang mandato namin. Mali ang paratang ninyo na wala kaming ginagawa,” wika ni Lacson.