-- Advertisements --

Inabisuhan umano ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ukol sa posibleng paglabas ng red notice laban sa kaniya.

Unang nag-request ang Philippine government sa International Criminal Police Organization (Interpol) ng red notice laban kay Roque matapos dahil sa kaniyang kinakaharap na kasong qualified human trafficking dito sa Pilipinas.

Bagaman hindi na ibinahagi ng kalihim ang detalye ng naturang komunikasyon, tiniyak niyang hindi matatakasan ni Roque ang red notice kung sakali man na tuluyan itong ilabas ng Interpol.

Ayon kay Remulla, kanselado na ang passport ni Roque at hindi na siya makaka-ikot sa buong Europe, habang hindi rin niya magagamit ang kaniyang credit cards sa mga posibleng papasuking transaction.

Nanindigan naman ang kalihim na ang pag-abiso niya kay Roque ay hindi nangangahulugang ibinulgar na niya ang magiging hakbang ng PH government o ng local authorities laban sa dating kalihim.

Batid aniya ni Roque ang kahulugan ng red notice at bahala na ito anumang gagawing aksyon, habang desidido rin ang pamahalaan na habulin siya dahil sa mga kasong kinakaharap dito sa Pilipinas.

Ayon pa sa kalihim, personal siyang magtutungo sa Vienna, Austria, para aarestuhin ang dating kalihim kung sakaling ilabas na ang red notice laban sa kaniya. (report by Bombo Jai)

Samantala, kung sakaling mahuhuli aniya si Roque, posibleng itutuloy siya sa kulungan sa Tarlac kung saan nagsimula ang kaniyang kasong human trafficking dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO), na dati nang pinabulaanan ng dating kalihim. (report by Bombo Jai)