Inilatag ng Department of Finance (DOF) sa Legislative Energy Action Development Council (LEAD) ang komprehensibong estratehiya ng pamahalaan upang salagin ang malawakang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Finance Undersecretary Karlo Adriano, hindi sapat ang iisang hakbang lamang upang matugunan ang krisis. Dahil dito, isang multi-pronged strategy o pinagsamang mga solusyon ang pangunahing isinusulong ng ahensya upang maprotektahan ang ekonomiya laban sa mga oil shocks.
Kabilang sa mga alternatibong solusyon na iprinisinta ng kagawaran ay ang pagpapalabas ng targeted ayuda para sa mga piling indibidwal, ang posibleng pagrepaso sa mga ipinapataw na buwis sa langis, at ang mahigpit na pagtitipid sa pondo ng mga ahensya ng pamahalaan. Nakatuon din ang gobyerno sa mga direktang interbensyon upang mapigilan ang biglaang pagtaas ng gastos sa transportasyon at produksyon.
Sa pagpapatupad ng mga hakbang na ito, mahigpit na binigyang-diin ni Usec. Adriano na kinakailangan ang maingat na pagbalanse. Layunin ng economic team na maibigay ang sapat na alalay sa mga pinakaapektadong sektor habang mahigpit na pinapanatili ang fiscal discipline o ang kaayusan sa pananalapi ng bansa.
Bilang bahagi ng paghahanda, nakumpleto at isinumite na ng mga economic managers kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanilang komprehensibong pag-aaral hinggil sa posibleng maging pinsala ng krisis sa pangkalahatang lagay ng ekonomiya.
















