Iniulat ng Department of Foreign Affairs na patuloy itong tumatanggap ng mga kahilingan para sa repatriation mula sa mga Pilipino sa gitna ng umiigting na tensyon sa Middle East. Umabot na sa 1,451 ang kabuuang requests, kung saan 945 ang natulungan o nakauwi na, habang 506 pa ang nakabinbin.
Pinakamarami ang naitalang kahilingan sa Dubai kasunod ang Doha. Ayon sa DFA, patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon sa rehiyon sa kabila ng umiiral na pansamantalang ceasefire, dahil may mga ulat pa rin ng aerial attacks.
Naitala rin ang pagtaas ng requests sa United Arab Emirates, lalo na sa Dubai kung saan may daan-daang kaso pa ang hinihintay na aksyon. Sa ngayon, libu-libong Pilipino na ang natulungan makauwi, kabilang ang mga OFWs at kanilang mga dependents.
Samantala, nakatakda ang panibagong repatriation flight sa Abril 13 bilang bahagi ng tuloy-tuloy na operasyon ng gobyerno. Nanatiling naka-alerto ang DFA at ang mga embahada nito sa rehiyon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino at hinihikayat ang mga ito na manatiling mapagmatyag at makipag-ugnayan sa mga opisyal. (report by Bombo Jai)
















