CAUAYAN CITY- Inaresto ang isang laborer matapos maaktuhang nagtutulak ng hinihinalang shabu sa Bypass Road, Brgy. Homestead, Bambang, Nueva Vizcaya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PMajor Ferdinand Corpuz, hepe ng Bambang Police Station na sa pakikipagtulungan ng PDEA Region 2 ay isinagawa ang anti Illegal drug buybust operation na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.
Ang inaresto ay si Mark Lexter Bernardo, 19 anyos, binata, laborer at kabilang sa drug watchlist ng mga awtoridad na residente ng Brgy. Darapidap, Aritao, Nueva Vizcaya.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu, isang pakete ng hinihinalang droga na ipinagbili nito sa isang pulis na puseur buyer.
Ayon kay PMajor Corpuz, ito ang unang pagkakataon na makulong si Bernardo bagamat dati na siyang tinitiktikan ng mga awtoridad dahil sa pagkakaugnay nito sa mga kaibigang una nang nadakip ng mga otoridad .
Dinala sa Bambang Police Station ang pinaghihinalaan at inihahanda sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa kanya.