-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Sa kabila ng pagpuna ng Department of Tourism (DoT) sa nalabag na carrying capacity sa isla ng Boracay sa nagdaang Holy Week, asahan ang muling pagbuhos ng maraming turista dahil sa gaganaping LaBoracay.

Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos, napag-usapan ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na muling idadaos sa susunod na mga araw ang kinasasabikan at inaabangang LaBoracay na magsisimula sa Abril 26 hanggang Mayo 1.

Kasunod ito sa pagbuhos ng maraming turista dahil sa pagluwag ng travel restriction sa bansa kung saan, pinayagan na ang foreign tourist na makatawid sa tanyag na isla.

Dagdag pa ni Delos Santos na ang selebrasyon ng LaBoracay ay sesentro sa sustainability concept kung saan, asahan na maraming environmental activities ang kanilang isasagawa upang sa pamamagitan nito ay mabalanse ang paglago ng turismo at ang pangangalaga sa kagandahan ng isla.

Ang LaBoracay ay taunang ginaganap noon tuwing buwan ng Mayo sa isla at itinuturing na pinakamalaking beach party sa Boracay.