-- Advertisements --
ABALOS 1

BAGUIO CITY – Nagpaliwanag ang labor attaché na nakatalaga sa bansang Oman kasunod ng banta ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ire-recall nito ang nasabing opisyal kung mapapatunayang wala itong ginagawang hakbang para matulungan o mapangalagaan ang kapakanan ng mga OFWs sa Oman na apektado sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Una rito, idinulog ng Bombo Radyo kay Sec. Bello ang sitwasyon ng ilang OFWs sa Oman kabilang ang waiter na si Joel Agustin na nagsabing isang beses kada araw na lang sila kumakain dahil wala silang natatanggap na tulong at hindi sinasagot ng Embahada ng Pilipinas ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng email.

Ipinaliwanag naman ni Labor Attaché Atty. Gregorio Abalos Jr. ang dahilan ng pagka-antala ng pamamahagi ng tulong sa mga nasabing OFWs na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo.

Aniya, nakatira si Agustin sa Salalah, Oman na isang malayong lugar ng bansa at mararating lamang pagkatapos ng isang oras at 30 minutong biyahe sa pamamagitan ng eroplano.

Gayunman, sinabi niyang nakausap na niya si Agustin at nabigyan na ng relief packs ang nasabing OFW at mga kasama nito.

Ihinahanda na rin aniya ang aplikasyon nina Agustin sa Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) Program for OFWs ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Dinagdag ni Atty. Abalos na nakausap na niya si Sec. Bello ukol sa reklamo at sinabi sa kanya ng kalihim na ang mahalaga ay may aksiyon sila sa nasabing isyu.