KORONADAL CITY- Nakatakda nang iuwi sa Pilipinas ang bangkay ng Pinay domestic helper (DH) na pinatay ng kanyang employer sa Kuwait.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Nelly Padernal, tiyahin ni Jeanelyn Padernal Villavende na minaltrato at pinatay ng kanyang mga amo sa Kuwait, ipinahayag nito na posibleng alas-4:00 ng hapon dadating ang labi ng biktima.
Ayon kay Padernal, ngayon pa lang ay emosyunal na sila dahil tuluyan nang makakauwi ang kaanak matapos ang kalunos-lunos na sinapit nito sa kamay ng kanyang amo.
Inabisuhan din sila ni Department of Labor and Employment o DOLE Sec Silvestre Bello III na ididiretso ang bangkay ni Jeanelyn sa National Bureau of Investigation para sa autopsy upang masiguro kung tama ang inilabas na dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Napag-alaman na base sa embalming certificate ng Pinay dh, namatay umano ito dahil sa “acute failure of heart and respiratory as a result of shock and multiple injuries” sa vascular system.
Ibig sabihin, bumigay ang puso at baga ni Villavende dahil sa bugbog na katawan at nagkaroon din ng injuries sa ugat.
Inaasahang kung matatapos ang autopsy sa bangkay ng biktima, iuuwi na ito sa bayan ng Norala, South Cotabato kung saan naghihintay ang kanyang mga kamag-anak.
Napag-alaman na nasa Manila sa ngayon ang tiya, ama at bunsong kapatid ni Jeanelyn para salubungin ang bangkay.