Muling nanawagan si dating Sen. Bongbong Marcos na baguhin ang kontekstong nakasulat sa mga aklat ng Philippine history kung saan nakasalarawan ang paggiging diktador ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa isang forum ng National Press Club nitong Biyernes, umalma ang nakababatang Marcos sa mga impormasyong nakalagay sa mga textbooks dahil pamilya raw nila ang tunay na biktima ng binaluktot na kasaysayan.
Iginiit ng dating senador na wala namang napatunayan sa lahat ng akusasyon sa kanilang pamilya.
“Nilagay nila sa libro, ng textbook ng mga bata na ganito, na ang mga Marcos ganito ang ninakaw, ganito ang ginawa. Ngayon lumalabas sa korte, hindi totoo lahat ng sinabi ninyo dahil hindi niyo naipakita,” ani Marcos.
Kung maaalala, ilang kasong graft at malversation ng mga Marcos ang ibinasura ng Sandiganbayan noong nakaraang taon.
Sa Supreme Court naman, 20 mula sa 43 civil at forfeiture case ng pamilya ang ibinasura.
Kinontra naman ito ng Commission on Human Rights at sinabing hindi basehan ang mga ibinasurang kaso para masabing inosente ang pamilya Marcos.
Ayon kay CHR spokesperson Jacqueline de Guia, kaya lang nabasura ang mga kaso dahil pinagbasehan ng mga korte ang kabiguan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) na maipresenta ang mga orihinal na kopya ng ebidensya sa mga reklamo.