-- Advertisements --

Inihayag ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na maipapakita ni VP Sara Duterte ang kanyang kakayahang sagutin ang mga paratang at harapin ang mga testigo kung siya ay personal na dadalo sa impeachment trial sa Senado.

Ayon kay Castro, magiging pagkakataon din ito para mapatunayan ng kampo ng Bise Presidente ang kanyang pagiging inosente, kung iyon ang kanilang paninindigan.

Aniya, mas makabubuting maipakita ito hindi lamang sa mga Pilipino kundi maging sa buong mundo.

Nauna nang inatasan ng Senado si VP Duterte na humarap nang personal o sa pamamagitan ng kanyang abogado sa pagbubukas ng impeachment trial sa Hulyo 6.

Inaasahang tatalakayin sa paglilitis ang iba’t ibang articles of impeachment na isinampa laban sa kanya.

Samantala, iginiit ni Castro na iginagalang ng Malacañang ang magiging proseso ng Senado bilang impeachment court, at nasa kamay na ng depensa at prosekusyon ang kanilang magiging estratehiya sa paglilitis.