Nanawagan si Senate Deputy Minority Floor Leader Risa Hontiveros na dapat nang i-ban sa bansa ang Chinese Communication Construction Co. (CCCC), isang Chinese state-owned company sa Pilipinas.
Inihayag ito ng senador isang araw matapos harangin ng Chinese Coast Guard at pina-water cannon ang mga sasakyang pandagat ng Philippine Coast Guard na maghahatid ng mga suplay sa ating tropa sa Ayungin Shoal.
Tinapos na ni dating Finance Secretary Dominguez ang proseso ng aplikasyon ng pautang para sa mga pangunahing proyektong pinondohan ng CCCC tulad ng Davao-Digos Rail segment, Calamba-Matnog long haul rail, at Subic-Clark Rail.
Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ipinagpatuloy ang negosasyon sa pautang, ngunit sinabi ni Hontiveros na interes ng Pilipinas na tanggihan din ang anumang pondo ng CCCC.
Noong 2020, nanawagan din si Hontiveros sa gobyerno na ihinto na ang mga proyekto sa CCCC, matapos mabunyag na kabilang ito sa dose-dosenang kumpanyang nag-ambag sa dredging at construction ng mga artificial militarized islands sa WPS.