Nilinaw ngayon ng Impact Hub Manila, na siyang nasa likod ng PiliPinas Debate 2022: The Turning Point, na walang kinalaman ang Comelec sa naging aberya nila sa venue deal sa Sofitel.
Matatandaang sa unang mga debate ay idinaos ang aktibidad sa nasabing hotel na matatagpuan sa Pasay City.
Pero nitong nakaraang araw, sinabi ng hotel management na tumalbog ang tseke na inisyu sa kanila ng debate organizer.
Dito ay umaabot sa P14 million umano ang kinakailangang bayaran para sa event venue.
Pero para sa Impact Hub Manila, hindi na nila isasapubliko ang iba pang usapin dahil wala naman ditong kinalaman ang poll body.
Giit nila, isyu ito sa pagitan ng dalawang pribadong kumpanya.
Nagpasalamat din sila sa ibinigay na oportunidad ng Komisyon para maisagawa ang unang tatlong debate, mula pa noong nakaraang buwan.
Ang kalatas ay nagmula kina Atty. Eirene Jhone Aguila at Atty. Gideon Pena.
Sa kasalukuyan, humingi na ng saklolo ang Comelec sa Kapisanan ng mga Brodkasters ng Pilipinas (KBP) para maging partner nila sa pinakahuling presidential debate, bago pa man ang May 9, 2022 elections.