-- Advertisements --

Bibigyan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) hanggang Huwebes ang isang pampribadong kumpanya upang magpaliwanag sa paglalagay nito ng harang sa isang bahagi ng Masungi Georeserve na matatagpuan sa Rizal.

Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, naglabas na ang ahensya ng shiw cause order para sa Rublou Inc., para ilatag ang kanilang ebidensya na magpapatunay na sa kanila ang bahagi ng lupa na kanilang inaangkin.

Malinaw aniya itong paglabag sa batas na nagbibigay proteksyon sa mga lugar na basta na lamang aangkinin ng kung sino man.

Sa ilalim ng Republic Act 7586 o ang National Integrated Protected Areas System Act of 1992, ang Masungi Georeserve ay protektado laban sa kung ano mang uri ng human exploitation. Mahigpit ding ipinagbabawal ng nasabing batas ang paglalagay ng harang dito na walang naipapakitang permit.

Ikinaiinis din umano ni Leones ang kaliwa’t kanang grupo na nagsasabing sila ang may-ari ng lupa dahil sa kakulangan ng tauhan upang maayos na mamonitor ito ng gobyerno.

Naalarma naman ang Masungi Georeserve Foundation dahil sa naglabasang impormasyon na ilang bahagi ng naturang lugar ang kasalukuyang pinalilibutan at binabantayan ng mga armadong lalaki.

Sa kabila nang pagkakatanggal sa mga inilagay na harang ay hindi pa rin maiwasan ni Billie Dumaliang, trustee at advocacy officer ng nasabing grupo, na mag-aalala dahil baka balikan ang lugar ng mga taong umaangkin dito.

Kinokondena rin umano ng grupo ang paggamit ng dahas o taktika para lamang makuha ang bahagi ng Masungi forest at sirain ang kapaligiran.

Ang bahagi na nilagyan ng harang ay aabot ng 1,000 ektarya. Parte ito ng Upper Marikina River Basin Protected Landscape at Masungi Wildlife Sanctuary and Strict Nature Reserve.

Sa pamamagitan naman ng isang pahayag ay sinabi ng Rublou Inc., na ang bahagi na kanilang hinarangan ay parte ng ancestral domain ng Dumagat-Remontados tribe.