-- Advertisements --
image 277

Tiniyak ni House Secretary General Reginald Velasco na ibibida ang kulturang Pilipina bilang pangunahing tema sa magiging State of the Nation Address(SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos.

Ayon kay Velasco, mula sa pananamit hanggang sa meryendang kakainin ay matutunghayan ang kulturang Pilipino.

Kinabibilangan ito ng Filipiniana dress code para sa lahat ng papasok sa loob ng plenaryo.

Bagaman posibleng business attire ang isusuot ng diplomatic corps, asahan umanong ang mga mambabatas, opisyal ng gobierno, at iba pang inimbitahang bisita, ay gagamit ng terno at barong.

Maaari ring ang iba pang mga mambabatas ay magsusuot ng mga damit na nagpapakita ng kultura ng mga lalawigan o distritong kanilang kinakatawan.

Pagdating sa pagkain, asahan din umanong pinoy merienda ang ihahain, katulad ng bibingka at puto bumbong.

Maalalang una nang sinabi ni Velasco na nasa 95% na ang kahandaan para sa SONA sa July 24.

Bukas, sisimulan na rin ang lockdown sa Batasan Complex, bilang bahagi ng security measures sa kahabaan ng ulat sa bayan ni Pang. Marcos.