-- Advertisements --

Wala raw sasayangin na sandali ang pamahalaan para ipatupad ang mga bagong stratehiya laban sa COVID-19, sa loob ng 15-araw na modified enhanced community quarantine sa Metro Manila at ilang lalawigan.

Aminado si Sec. Carlito Galvez, ang chief implementer ng National Task Force against COVID-19 na hindi sapat ang dalawang linggong pinahigpit na lockdown para tuldukan o ibsan ang sitwasyon ng pandemya.

“As we expected ‘yung 15 days na ‘yun is not enough to address or arrest COVID cases. But we will continue to work hard na ‘yung lahat ng mga strategies natin ay mapababa talaga natin ang new cases and at the same time minimize ‘yung deaths,” ayon sa opisyal sa isang press briefing.

Sa mga susunod na araw, nakatakda umanong bisitahin ng mga nakatalagang opisyal ang itinuturing na critical areas para turuan ang lokal na pamahalaan nang epektibong localized lockdown.

Kanila rin daw titingnan kung kailangan pa ng mas recalibrated na mga hakbang laban sa pandemic.

“Ang One Health Command ay bibisitahin din po ang lahat ng hospitals para matingnan po natin ang kanilang preparations at para po sa support sa ating health workers.”

Tatagal hanggang August 18 ang MECQ sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.