KORONADAL CITY – Hawak na ngayon ng Isulan PNP ang kuha ng CCTV footage sa nangyaring panibagong pambobomba sa Isulan, Public Market, Brgy. Kalawag III sa Isulan, Sultan Kudarat.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal sa isa sa mga survivor ng pambobomba at isa ring market vendor na si Gng. Juliet Cauba, nasaksihan umano nito ang nangyaring pagsabog kung saan nagdulot ng labis na takot sa mga tao sa paligid ng Isulan public market.
Mabuti na lamang umano at hindi gaanong marami ang sugatan dahil hindi market day sa nasabing bayan.
Gayunman nag-iwan ng walong sugatan ang naturang karahasan.
Samantala una na ring kinilala ang ilan sa mga biktima na sina:
1.Terencio Cagadas 35, male, Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat
2.Gerald Cartajena, 28, male, Surallah, South Cotabato
3.Jomar C. Aquino, 31, male, Isulan, Sultan Kudarat
4.Niño Biñas Virgo, 28, male, Isulan, Sultan Kudarat
5.Jarren Amigo, 24, male, Sampao, Isulan, Sultan Kudarat
6.Jay Carnaso, 30, male, Dansuli, Isulan, Sultan Kudarat
7.Nasim Salip Gulano, 29, male, Kalawag 1, Isulan, Sultan
Kudarat
Samantala malaki ang paniniwala ng mga otoridad na matutukoy ang suspek dahil maraming CCTV camera na nakakalat sa lugar kung saan lumalabas sa inisyal na mga imbestigasyon na babae umano ang bomber.
Kaugnay nito, ibinunyag naman ni Gng. Cauba na bago pa man ang panibagong pagsabog ay nakatanggap umano ng bomb threat ang kanilang alkalde na si Mayor Marites Pallasigue kung saan nasa P250,000 daw ang hinihinging pera upang hindi bombahin ang kanilang bayan.
Sa ngayon inaalam pa ng Isulan PNP sa pangunguna ng hepe na si Lt. Col. Joven Bagaygay ang nasabing impormasyon.