Bumaba ng 47 percent ang insidente ng krimen sa buong bansa sa nakalipas na anim na buwan, kumpara sa anim na buwan bago simulang ipatupad ang community quarantine.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Ysmael Yu malaki ang epekto ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa peace and order ng bansa.
Batay sa datos na inilabas ng JTF-Covid Shield ang eight focus crimes ay may 31,661 insidente mula September 15, 2019, hanggang March 16, 2020, kumpara sa 16,879 isidente mula March 17 hanggang September 16,2020.
Ang eight focus crimes ay murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping of motorcyles at carnapping of vehicles.
Napatunayan aniya ng mga datos na hindi nagka-totoo ang unang kinatatakutan na “looting” na maaring mangyari dahil sa kawalan ng hanapbuhay sa gitna ng ipinapairal na quarantine dahil “zero incidents” ang naitala.
Ilan sa mga panseguridad at pangkalusugang hakbang na ipinatupad ng PNP sa panahon ng quarantine ay ang pagtatatag ng mga checkpoint, pagpapalawig ng police visibility at mas malapitang koordinasyon sa mga barangay officials.