-- Advertisements --

ILOILO CITY – Kinukwestiyon ngayon ng mga aktibista sa Iloilo ang kredibilidad ng magiging whistleblower ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isasagawang Senate hearing laban sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Lean Porquia, anak ng pinaslang na si Bayan Panay Coordinator Jory Porquia, sinabi nito na pawang kasinungalingan ang sinasabi ng lumantad na si Jeffrey Celiz o Ka Eric Almendras dahil hindi umano ito naging mag-aaral ng University of the Philippines (UP) at miyembro ng grupo na SAMASA at League of Filipino Students.

Ayon kay Porquia, hindi rin totoo na nakasama ni Celiz ang kapatid ni Angel Locsin na si Ella Colmenares na inuugnay sa Kabataan partylist.

Palaisipan rin para kay Porquia kung bakit ngayon lang naglabas ng expose si Celiz.

Ayon pa kay Porquia, gawa-gawa lang ni Celiz na ang pagkakalakip ng kanyang pangalan sa narcolist at may kaugnayan umano ito sa kanyang trabaho sa mga proyekto ng gobyerno.