
Nagpaalala ang Korte Suprema sa mga kandidato ng Barangay at SK elections na idaraos na sa Lunes, Oktubre 30 na sumunod sa striktong mga procedural rules o patakaran sa paghahain ng mga kaso sa korte may kinalaman sa halalan gaya ng election protest.
Ang naturang paalala ng kataas-taasang hukuman ay nakapaloob sa desisyon na isinapubliko noong Oktubre 25 at isinulat ni Chief Justice Alexander Gesmundo.
Pinagtibay ng naturang desisyon ang naging hatol ng Commission on Elections na nanindigan sa kautusan na inisyu ng Municipal Trial Court ng Goa, Camarines Sur na pumabor kay Joseph Amata Blance, ang karibal ni Joenar Vargas Agravante noong may 14, 2028 Barangay at SK elections sa Barangay Matacla.
Subalit hinamon ni Blance ang proklamasyon ni Agravante sa isang election protest na inihain sa Municipal Trial Court na nagproklama kay Blance bilang nanalong kandidato at idineklara nilang Punong Barangay matapos madiskubre ng MTC na nakakuha ng 789 boto si Blance laban sa 784 botong nakuha ni Agravante.
Idinulog ni Agravante ang kaso sa Comelec, Comelec en banc at Korte Suprema subalit ibinasura ang kaniyang petisyon. Kung saan pinagtibay ng Korte Suprema ang naging ruling ng Coemelec.










