Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon ng anti-corruption watchdog noong 2017 para harangin ang umano’y iligal at unconstitutional na P829.67 million deal sa pagbili ng driver’s license cards na mayroong limang taong bisa.
Sa 25 pahinang desisyon na pinagtibay noong June 27, inihatol ng SC na walang legal standing ang Anti-Trapo Movement na naghain ng naturang petisyon para kwestyunin ang deal sa pagitan ng LTO at NEXTIX, Dermalog Identification Systems, at CFP Strategic Transaction Advisors Joint Venture (Dermalog).
Nais kasi ng grupo na mag-isyu ang SC ng temporary restraining order sa pagpapatuloy ng kontratang LTO sa nasabing kompaniya.
Sinabi ng grupo na lubos din aniyang inabuso ng LTO ang diskresyon nito sa paggawad ng kontrata sa Dermalog na siyang nagbigay sa Pilipinas ng new driver´s license system noong 2017.
Subalit, ayon sa SC na bago pa man maihain ang naturang petisyon, na-isyu na ang isang notice to proceed pabor sa Dermalog.
Kung kayat ayon sa SC hindi inabuso ng LTO ang discretion nito dahil hindi nito inaksyunan ang report ng anti-corruption watchdog bago igawad ang kontrata.
Wala din umanong nakapaloob sa Republic Act No. 9184 o ang Implementing Rules nito na nagbabawal sa Procuring Entity na ibigay ang award maliban na lang kung kinikilala o inaksyunan nito ang ulat na isinumite ng observer
Saad pa ng SC na ang pagsusumite ng ulat ng isang observer ay hindi mandatoryo sa loob ng kinakailangang panahon kayat maaari aniyang ipagpalagay na nasunod ng tama ang procurement procedure sa driver’s license cards.